‘Di ka na marunong magtagalog?
Inirapan mo ‘ yong ninuno
Itinakwil ang magulang na yumao
Sinabing walang pakialam ‘di umano.
Salat na ilong
Dilat na mata
Maiitim na singit
Pinaputing maskara
Parang pulbura
Pinabangong suka
Ang iyong pawis…
Papaano na?
‘Di mo na naalala
Iyong sariling lahi
Pati yong kinagisnang budhi.
Kinawayan nang kaibigan
Nakipagbeso-beso
Sinabing ikaw ay Amerikano
Ingles mo’y may buntot
Parang kabayong bansot.
Namasyal sa bayan
Mapanghi daw ang kalsada
Nagmumura’t pulos patutsada
Ayaw nang makipagkilala.
Kara-karakang tumakbo
Parang napasong ipo
Ipinikit ang mata
Tinakban ang tenga.
Nagmamadaling lumayo
Humihingal Humahangos
Sinaway ang manlilimos.
Ikaw ba ay ganap na kano na?
Makipagbayanihan, nilimot na?
Namilipit sa hiya
Matapobreng banyaga
Papaano na?
Kapatid kong balikbayan
‘Di mo na kilala
Ang sariling wika.
Pinagtawanan si Rizal
Sinabing siya ay hangal
Dinuro si Bonifacio
Sinabing siya ay bobo
Inirapan si Aguinaldo
Sinabing siya ay tarantado
Tinuligsa si Aquino
Sinabing siya ay martir at sira ulo
Papaano na?
Kapatid kong Kano?
Maasim ang mukha
Kapag kumain nang balot
‘Di na marunong magluto nang kare kare
O magisa nang bagoong alamang, pare
Papaano na?
Puro MACdo ka na lang ba?
No comments:
Post a Comment