Nanaginip ka
Naparatangan kang insurrecto
Sinabing indio
Nilathalang ex-communicado
Ikaw ay pinakawalan
Itinakwil sa ibang bayan
Tanging nawala
Akala nila nawalang sala
Init at lamig
‘Di mo ininda
Nagmuni – muni
Dito sa banyagang bayan
Ikaw ay piniit.
Akala nang iba ikaw ay nanahimik na
Akala nang masa wala ka nang ihihirit pa
Akala nang kaaway naamo ka nang kanilang tinik.
Limot sa nakakaalam
Labis kang tumapang
Tumindi Tumigas
Lumakas Lumantad
Ang iyong kakayahan.
O Bayani!
Ano ang iyong ipinaglalaban?
Saan ang iyong patutunguhan?
Babalik sa Lupang Hinirang
Para matahin, tadyakan…
Handang humalaklak
Bagama’t may nasusuka
sa iyong katapangan.
‘Di nagatubiling
Ipaglaban ang iyong pagibig
Ialay ang buhay
Pati sa bulag na kaaway.
May babato at hahatol sa iyo,
O kapatid!
May hahalik at sasalubong sa iyo
Batid mo ang dalubhasang asal
O Bayani!
Haharap ka ba sa halalan?
Ngayong mayo 2010?
Ilalahad mo ba
Ang parak na pangarap sa katauhan?
Bubuksan mo ba
Ang isip at adhikain nang mga kabataan?
O Bayani
Maging sino ka man
Pagaralan ang nakaraan…
Nabuhayan ka kay Ninoy
Nahangaan kay Rizal
Natapangan kay Del Pilar
Namangha kay Aguinaldo
Nagising sa KKK ni Bonifacio…
Ano ba ang adhikain mo?
Maliit man o malaki ang plataporma
Handa ka na ba sa hamon ?
Iwagsi ang sarili
Isangalang- alang ang kapakanan
Nang inang bayan.
Itaas ang naapi
Ipagtanggol ang dukha
Ipaglaban ang tama.
May takot sa Diyos
May pagmamahal sa Inang Bayan
Ito ay pulos palatandaan…
Ikaw ay nakatawa
Ikaw ay kumakaway
Ikaw ay nagtatalumpati
Ikaw ay nagsusunog nang kilay…
Totoo ba ito ?
O kaya’y pakitang tao?
Tignan mo itong filibuster…
O Bayani !
Eleksyon na!
Pagmasdan mo ang magsasaka
Nakayuko Nagtatanim Nagaani
Isuot ang sombrero
Kumuha nang araro
At gisingin ang kalabaw
Sa malalim na panaginip.
No comments:
Post a Comment